“Ang Buhay Sagrado”
Ang buhay ay tunay na sagrado, isa itong biyaya ng maykapal. Sa simula’t simula pa lamang ay matama nang ipinaaalala ng Diyos na maylikha ang kahalagahan ng buhay. Buhay na tanging sa kanya lang magmumula at tanging siya lang ang may karapatang bumawi nito.
Sa mga nagdaang panahon, naging usaping panglipunan ang R.H. Bill. Isang batas na naglalayong pigilan ang paglobo ng kasalukuyang populasyon. Inilalahad sa batas na ito ang isang paniniwala na ito ang tanging solusyon sa lahat ng mga pangyayaring kinasasadlakan ng ating bayan, kasama na diyan ang kahirapan, kawalan ng trabaho, paglobo ng populasyon, kriminalidad, droga, prostistusyon, katiwalian at marami pang iba. Tila sa unang tingin ay masasabi mong ganap nga itong mabisa at makatutulong sa pambansang suliranin ngunit, sa likod ng batas na ito, nakakubli ang kadayaan, ang pagsasamantala, at ang kababaan ng pagtingin sa sagradong biyaya ng maykapal. Ang buhay na “ipinahiram” lamang sa atin.
Ang pagsang-ayon sa RH Bill ay isang kalaspatanganang tunay, sa Diyos, sa kapwa at higit sa iyong sarili. May batas na dapat sundin at tupdin ang mamamayan lalo’t higit ang mananampalatayang kristiyano, hindi kailanman dapat manaig ang batas na likha ng tao, sa batas ng kalangitan. Tanging Diyos ang may karapatang magtakda ng mga utos na siyang lilinang sa kabuuan ng santinakpan.
Ako’y nananawagan sa lahat na tayo’y magsama-sama at magkaisa upang tutulan ang isang lason na sisira sa sagradong pamilya ng mga Pilipino at kikitil ng buhay na siyang pag-asa ng simbahan at ng bagong lipunan. Ako’y humihingi ng panalangin sa lahat ng nakaririnig na sama- sama natin idulog ng may kababaang loob ang kagalingan ng ating bayan na walang pagsasaalang-alang sa biyaya ng buhay.
Gayundin, ang panawagan sa pinuno ng ating pamahalaan na maging bukas ang isipan sa hamon ng makabagong suliraning likha ng pagiging makasarili at kawalang pagpapahalaga sa buhay ng tao.
Ang aking din panawagan sa Santa Iglesya Katolika na mas patatagin ang pananampalatayang kristiyano nang sa gayon ay hindi agad matukso o maakit ng mapaglinlang na kasunduan. At muli’t muli’y patatagin ang panalangin sa amang pinagbukalan ng buhay.
Sa inyong lahat na narito sa pagtitipon, hangad ko ang isang bayang payapa at ligtas sa tukso ng makabagong anyo ng kasalanan at pagkukunwari. Ating bigyang pagpapahalaga ang muling pagkabuhay ni Hesus na siyang tanda ng “buhay” na ibinigay ng Ama.
Muli, Maraming salamat at Magandang hapon sa inyonh lahat.
Jamil Cervantes